Quezon Del Sur
Although I am not living in Quezon but stil gusto ko parin malaman ang mga ngyayari dun. And of the article I’ve read buko sa article ni Sir Cadeliña (http://nelcadelina.blogspot.com/) is this message from Rep. Tanada. Please read and comment.
“eto ay mula kay 4th District Representative Tanada:
Mensahe
Lubos ko pong ikinagagalak na ibahagi sa inyo ang munting babasahing ito na nagbabalita na, sa tulong ninyo, maaring maging ganap na ang pagkakaroon ng Quezon del Norte at Quezon del Sur.
Ilang taon din po ang ating binilang at inasam simula noong 1996 ng unang ipinanukala ng aking ama sa Kongreso ang pagkakaroon ng isa pang lalawigan ng Quezon. Ngayon, kaunting kilos, tulak at tiyaga na lamang ay makakamit na natin ang ating inaasam-asam. Bagama’t isa na pong ganap na batas ang pagkakaroon ng Quezon del Norte at Quezon del Sur sa pamamagitan ng Republic Act 9495, tayo po ay masasabing lampas pa lamang sa kalahati ng ating lakbayin. Pinakamahalaga pong yugto sa ngayon ay ang paghahanda at ang ating pagpapanalo sa magaganap na plebisito hinggil sa batas na ito.
Sariwang-sariwa pa sa isip ko ang esensya ng salaysay ni Bishop Emilio Marquez noong siya ay naimbitang magbahagi ng kanyang posisyon noong ito ay panukalang batas pa lamang. Ika-19 ng Pebrero 2007 noong dininig ito sa Senado at ang banggit ng minamahal nating Obispo, “Mabigat sa aking kalooban na walang kagyat na magawa para sa mga taga ika-tatlo at ika-apat na Distrito ng Quezon noong tumama ang Bagyong Rosing. Walang heavy equipment na pwedeng magamit upang maghawi ng mga natumbang malalaking puno at mag-ayos ng mga daraanan ng relief goods. Halos lahat ng mga equipment ay nasa Lucena. Dahil maraming mga nasirang tulay, wala kaagad maitawid papuntang Timog Quezon. Sana ay mayroon na kaming isa pang lalawigan na may sentrong mas malapit…”
Bagama’t hindi maitatanggi na sa kalakhan, higit na mas maunlad ang mga bayang nasasakupan ng una at ikalawang distrito ng Quezon, tahasan kong masasabi na mayroon pang mga bayan doon na hirap pa rin. Tinutukoy ko po ang isla ng Polilio pati na rin ang mga nugnog na barangay ng Bordeos, Panukulan, Jomalig at Sampaloc. Dagdag pa dito ang malaking sakunang nangyari noong nagka-landslide halos tatlong taon na ang nakaraan na naapektohan ang Real, Infanta at General Nakar.
Maihahalintulad ko ang papel ng isang Gobernador sa isang magulang…mas kokonti ang mga anak, mas may kalidad ang atensyon na naiibibigay sa bawa’t isa. Ang Quezon po ay 39 na bayan at dalawang siyudad. Di hamak na talagang kahit gaano karubdob ang pagnananais, napakahirap bigyan ng pantay-pantay na atensyon ang bawa’t isa sa 41 mong anak.
Sa walumpu’t isang probinsiya ng ating bansa, anim lamang ang alam kong may sakop na 40 at higit na mga munisipyo at syudad, kasama na dito ang Quezon. Ang natitirang natitirang lima ay Pangasinan, Iloilo, Cebu, Leyte at Zamboanga del Sur.
Kung tutuusin, hindi mahirap mag-detalye ng planong pang-kaunlaran at maglatag ng polisiya para sa buong lalawigan. Subali’t iba pa ring usapin ang epektibong pagpapatupad ng magagandang plano at polisiyang ito. Dahil sa laki at lawak ng Quezon, nararapat lang po na magkaroon na ng isa pang ama o ina ang probinsiya.
Huwag naman po sanang humingi ng garantiya ang ating mga kababayan na kapag nagkaroon na ng Quezon del Norte at Quezon del Sur ay kaagad uunlad na ang lahat ng mga bayan. Yan naman po ay nakasalalay pa rin sa uri ng ihahalal na opisyal ng taumbayan. Subali’t ito ang mga maaari kong tahasang maisaad kapag naging ganap na ang pagkakaroon ng Quezon del Norte at Quezon del Sur:
* Una, maaaring asahan ang higit pang mahusay na pangangasiwa.
* Pangalawa, ang pinagsamang IRA ng Quezon del Norte at Quezon del Sur ay mas mataas kaysa sa kung ang ating probinsiya ay mananatiling Quezon lamang.
* Pangatlo, dahil may sarili ng IRA ang Quezon del Sur, may mas malapit na kapitolyo, ang mga na-devolve na serbisyo gaya ng serbisyong pangkalusugan, agrikultura, pananaliksik para sa industriya, pagpapatupad ng mga batas para sa pangangalaga ng kagubatan, pangisdaan at iba pa ay maaaring magawa nang mas mahusay at mabilis na pamamaraan.
* Pang-apat, ang Quezon del Sur ay maaring magplano para sa sarili niyang kaunlaran at mangalap ng tulong at suporta mula sa gobyerto at pribadong sektor upang pondohan. Maari silang magkaroon ng sariling BOT ang mag-isyu ng sariling bonds.
* At pang-lima, mas mabilis at angkop ang magiging pag-unlad ng Quezon sa kabuuan.
God helps those who help themselves. Naniniwala po ako sa mga salitang ito. Pagkakataon na nating tulungan at gumuhit ng bagong tahakin para sa ating Lalawigan para sa mas magandang kinabukasan nating lahat. Huwag po nating aksayahin ang pagkakataong ito.
Lubos na sumasainyo,
LORENZO R. TAÑADA III









